Thursday, March 2, 2017

Filipinas, magtataguyod ng isang pandaigdigang kumperensiyang magbibigay-diin sa halaga ng pagsasalin sa edukasyon, at sa pag-unlad ng ekonomiya

Filipinas, magtataguyod ng isang pandaigdigang kumperensiyang magbibigay-diin sa halaga ng pagsasalin sa edukasyon, at sa pag-unlad ng ekonomiya

Marso 1, 2017 – Idaraos ang isang pandaigdigang kumperensiya sa pagsasalin at araling pampagsasalin sa Filipinas sa darating na Setyembre 2017, at magsasama-sama ang mga dalubhasa at edukador mula sa iba’t ibang bansa upang talakayin ang pinakamainam na praktika sa pagsasalin sa daigdig at ang potensiyal na kolaborasyon sa mga rehiyon. Ang tatlong araw na pandaigdigang kumperensiyang may pamagat na “2017 Salínan Pandaigdigang Kumperensiya: Pagsasalin at Araling Pampagsasalin sa Kontekstong Lokal at Global” na gaganapin mulang Setyembre 28 hanggang 30 sa Ateneo de Manila University, Lungsod Quezon, ay itinataguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA).
Itatampok sa pandaigdigang kumperensiya ang mga premyadong dalubhasa sa pagsasalin kasama sina Lawrence Venuti ng United States, Luise von Flotow ng Canada, at ang Pambansang Alagad ng Sining ng Filipinas na si Virgilio S. Almario. May mga inimbitahan ding mga tagapanayam mula sa Italy, India, Hongkong, at Filipinas.
Paliwanag ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapangulo ng NCCA:
“Bagaman tayo ay isang bansang maraming wika, nananatiling hindi nabibigyan ng pagkilala ang halaga ng pagsasalin at araling pampagsasalin sa bansa. Wala tayong pambansang adyenda sa larang ng pagsasalin, lalo na ng isang sistematikong pag-aaral at kritisismo sa eryang ito. Dahil dito, mas naging mahirap para sa mga paaralan, mga guro, at sa publikong sektor ang pagsasalin at/o paglilipat ng iba’t ibang kaalaman.”
“Sa kasalukuyang konteksto ng globalisasyon, may mahalagang gampanin ang pagsasalin at araling pampagsasalin sa pagpapabuti ng edukasyon at pag-unlad ng ekonomiya, sa loob at labas ng bansa.”
Ayon kay Michael M. Coroza, Direktor ng Kumperensiyang 2017 Salínan Pandaigdigang Kumperensiya sa Pagsasalin at Araling Pampagsasalin:
“Magbibigay-daan ang pandaigdigang kumperensiyang ito sa Filipinas upang makilala sa daigdig bilang pangunahing tagapanguna sa development ng praktika sa pagsasalin. Isa itong pambihirang pagkakataon para sa mga guro at praktisyoner ng pagsasalin na magsama-sama upang matuto sa iba’t ibang karanasan at pinakamainam na praktika ng bawat bansa sa daigdig, at pagkaraan ay makabuo ng estratehiya para sa development ng larang na ito sa bansa.”
“Sa pamamagitan ng pagsasalin tayo nakatatamo ng kaalaman, at nagkakaroon ng koneksiyon sa iba. Bawat gawain ay nangangailangan ng pagsasalin. Kailangan nating maipamulat sa mga tao na imposibleng maging makapangyarihan ang mamamayan kung hindi alam ang tamang pagsasalin.”
Bukod pa sa kumperensiya, hinihikayat din ng Filipinas Institute of Translation at ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pamahalaan at iba pang stakeholder na magsama-samang at manguna sa:

1.      Pagtatalaga ng isang pambansang ahensiyang magtitiyak sa pagbuo ng istandard, at resources para sa mga edukador, iskolar, at praktisyoner na nasa larang ng pagsasalin at araling pampagsasalin
2.      Pagbuo ng isang malinaw na pambansang adyenda sa wika at pagsasalin, nang sa gayon ay mapahusay ang kakayahan ng Filipinas sa pandaigdigang kooperasyon at mapabuti ang edukasyon para sa pambansang pag-unlad
3.      Pagtiyak sa propesyonalisasyon ng mga tagasalin sa bansa.
Para sa mga tanong, makipag-ugnay kay Dr. Michael M. Coroza, Direktor ng Kumperensiya, sa +639477219249 o mag-email sa mcoroza@ateneo.edu at/o kay Eilene G. Narvaez, Kalihim ng Kumperensiya sa Tel. No. +6325471860 o mag-email sa fitsalinan2017@gmail.com.
WAKAS
Ang 2017 Salínan Pandaigdigang Kumperensiya: Pagsasalin at Araling Pampagsasalin sa Kontekstong Lokal at Global ay isang tatlong araw na kumperensiya sa Filipinas na itinataguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA), at ng Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila.
Ang pandaigdinag kumperensiyang ito ay para sa mga dalubhasa at praktisyoner sa pagsasalin, lingguwista, mga guro (sa sekundarya at tersiyaryo), sosyologo, at iskolar sa wika, gayundin sa mga mag-aaral at iba pang propesyonal na interesado sa diskurso sa wika at pagsasalin.

Sa okasyong ito, magsasama-sama ang mga lokal at internasyonal na dalubhasa sa teorya at praktika ng pagsasalin upang pag-usapan ang mahahalagang paksa sa pagsasalin sa kontekstong lokal at global. Tatalakayin ang mga espesipikong kalakaran at pinakamainam na praktika sa pagsasalin at araling pampagsasalin  mula sa iba’t ibang kontekstong pangkultura at panlipunan sa iba’t ibang panig ng mundo, na magsisilbing pook upang maiugnay ang lokal na praktika sa pinakamainam na praktika ng pagsasalin at araling pampagsasalin sa mga bansa sa buong mundo.

No comments:

Post a Comment