FILIPINO: WIKANG MAPAGBAGO
Dr. Jennifor Aguilar
Naghuhumiyaw, nag-uumapaw ang galit ng sambayanan
Sukdulan na ang kasamaan, bangkay nagkalat sa daan
Tatlo-singko na lang ang buhay ng pinagdudahan at pinagkamalan
Ito na ba ang pagbabago, pagbabagong inaasam?
Tahimik na nga at pwede nang magpagabi sa daan
Hindi na katatakutan ang magnanakaw, reypist at kriminal
Nauubos na rin ang mga korap sa pahamalaan
Ito na nga ba ang Pagbabago, Pagbabagong inaasam?
Humiwalay na sa Amerikano ng Kapitalista’t Imperyalista
Bumaling naman sa Intsik at Rusong tuso’t mapagsamantala
Mapagyayaman at mapagbabago ang bayang sinisinta?
Unti-unting kinukubkob karagatan nati’t mga isla
Hangga’t wika’y di-malaya, pagbabago’y hindi mapapala
Ngayo’y sinisikil, sa pagtuturo’y binubusalan pa
Tinanggal sa kolehiyo, pinagbabantaan pa sa Kongreso
Lulusawin ito, upang maging mamamayan ng mundo
Filipino nga raw ang wika, wika ng pagbabago?
Gaano katotoo, pinahahalagahan ba ito?
Kayrami nang dinanas na dusa at pasakit
Kayhaba ng landas na puno ng tinik
Malaya naman noon ang bansa, kahit dayalekto’y iba-iba
Kahit pulo-pulo, tribo-tribo ay lubos na nakauunawa
Nakakapagkalakalan pa sa mga dayuhan, maunlad at sagana
Dahil nabubuhay sa wikang likas na kaloob ng May-akda
Dumating ang mga Kastilang sabik na sabik sa saganang yaman ng bansa
Hayok na hayok na ginahasa’t kinamkam at walang itinira
Maging wikang angkin, pilit na tinanggal sa dila ng madla
Pinaglaway sa wikang kastilang wika lamang ng maharlika
Lumao’t magaling sa kastila’y nakalaya na rin
Ngunit pumalit mga Amerikanong bagong mang-aalipin
Kunwa’y magiliw at mabait, wikang Ingles ipinilit na gamitin
Upang pagkatao’t pagkalahi nati’y tuluyang angkinin
Kasarinla’y ibinigay, pambansang wika’y sinilang
Sa lahat ng wika’y nagtagumpay ang Tagalog na ngalan
Pinalitan ng Pilipino dahil sa pag-aalitan
Hanggang maging Filipino ang Wika sa Kasalukuyan
Lumaya na ang bansa, ngunit naiwan ang wika
Lumaya sa mga dayuhan ngunit alipin sa kaisipan
Isiniksik idinikdik sa kaluluwa ng bayan
Na natatanging magaling ay yaong sa mga dayuhan
Kung uunahin lamang pagmamahal sa wikang Filipino
Napagbabago nito maging kaluluwa ng tao
Ito’y manunuot sa isip, puso, diwa at pagkatao
Hanggang sa makamit pagbabago ng lipunang Pilipino
Nagawa ng mga Hapon, Koreano, Intsik at Ruso
Sariling wika’y minahal, tinaguyod sa lahat ng aspekto
Rumagasa sa pag-unlad tuluyang umasenso
Pambansang wika’y sangkap sa kanilang pagbabago
Hindi pa huli para sa hangad na Pagbabago
Palakasin, patatagin, gamitin ang wika ng bayan mo
Hinahangad na pagbabago ay ating matatamo
Sapagkat ang Filipino, Wikang Mapagbago
No comments:
Post a Comment