Tuesday, October 11, 2016

Tanong – Sagot Ukol sa Sawikaan: Pagpili sa Salita ng Taon

Tanong – Sagot Ukol sa Sawikaan: Pagpili sa Salita ng Taon

Ang Sawikaan 2016 na ginanap nito lamang Oktubre 6, Huwebes, sa UP kolehiyo ng Edukasyon ay pangwalo na sa serye ng mga ginanap na Sawikaan. Itinataguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT), nagsimula ito noong taóng 2004 at sinundan noong 2005, 2006, 2007, 2010, 2012, 2014, at 2016. Sa mga panahong walang Sawikaan, idinaos ng FIT ang Ambagan—ang kumperensiyang nakatuon naman sa mga ambag na salita ng iba’t ibang wika sa Filipinas para sa pag-unlad ng wikang pambansa. Itinanghal na Salita ng Taon ang “canvass” noong 2004, “huweteng” noong 2005, “lobat” noong 2006, “miskol” noong 2007, “jejemon” noong 2010, “wangwang” noong 2012, at “selfie” noong 2014, at nitong huling Sawikaan 2016, “fotobam” na ipinagtanggol ni Michael Charleston “Xiao” Chua. Tinanggap din ng “fotobam” ang “popular choice award” batay sa boto ng higit 150 delegadong guro, panauhin, at midya na nakipagtalakayan sa maghapong presentasyon ng mga Salita ng Taon na ginanap sa Benitez Theater, UP Kolehiyo ng Edukasyon, noong 6 Oktubre 2016. Ang ikalawa at ikatlong puwesto ay tinanggap ng mga salitang “hugot” ni Junilo Espiritu at “milenyal” ni Jayson Petras. Kabilang sa iba pang Salita ng Taon ang “bully,” “foundling,” “lumad,” “meme,” “netizen,” “tukod,” at “viral.”

Ngunit, BINIBIGYAN NG DIIN NG FIT na ang lahat ng itinampok sa kumperensiya ng Sawikaan ay mga Salita ng Taon dahil naging laman ito ng diksurso ng lipunang Filipino sa nakalipas na dalawang taon dahil sa mga kontrobersiya at mahahalagang usapin sa politika, teknolohiya, trapiko, kultura, sosyolohiya, kulturang popular, at iba pa. At ang pagtititulo sa Top 3 o yaong mga nakatanggap ng una, ikalawa, at ikatlong puwesto ay pagkilala sa husay ng saliksik, at bigat ng patunay at katwiran sa isinumiteng papel; at husay ng presentasyon at pagsagot sa mga tanong sa mismong araw ng kumperensiya (kumbaga, para silang nahaharap sa isang depensa sa kanilang tesis). Hindi ito pagdidikta sa isang salitang dapat gamitin. Mas nais ng Sawikaan na mamulat ang madla sa mahahalagang isyu sa lipunan na kinakailangan ng pagkilos na binubuksan ng mga salitang natatampok sa Sawikaan.

Upang mas ganap na maunawaan ng mga interesado sa pagpili sa Salita ng Taon, narito ang ilang tanong – sagot hinggil sa proyektong ito at maikling kasaysayan nito.
Ano-ano ang mga salitang maaaring mailahok bilang Salita ng Taon? Ang lahat ng salitang napipiling nominado sa Sawikaan ay karapat-dapat na sa puwesto ng Salita ng Taon dahil taglay nito ang alinman sa sumusunod na katangian: 1) bagong imbento; 2) bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; 3) luma ngunit may bagong kahulugan, at; 4) patáy na salitang muling binuhay.

Samakatwid, bago man o lumang salita ay posibleng manomina kung PINUKAW NITO ANG PAMBANSANG KAMALAYAN AT KUNG ITO AY MAY MALAKING IMPAK SA MAHAHALAGANG USAPING PAMBANSA AT IBA PANG ASPEKTO NG BÚHAY SA LIPUNANG FILIPINO SA LOOB NG ISA O DALAWANG TAON.
Mga salita itong makabuluhang ginagamit ng mamamayan sa iba’t ibang antas ng pagtukoy at pag-unawa sa kanilang mga pansarili at panlipunang karanasan.

Paano pinipili ang mga Salita ng Taon? May panawagan sa nominasyon. Dumaraan sa mahaba at masusing proseso ang mga itinatampok na salita sa Sawikaan bawat taon. Isang taon bago ang mismong kumperensiya (Setyembre 2015) ay nagpalabas na ng panawagan para sa nominasyon ang FIT. Disyembre 2015 ang unang deadline ngunit tinatanggap pa rin ang iba pang magsusumite hanggang sa sumunod na taon (Enero o Pebrero 2016) kung makita ng FIT na karapat-dapat pa ring maisali ang mungkahing salita. Ngunit habang hinihintay ang nominasyon, may sariling pagsubaybay sa mga salita ang FIT. Inililista nila ang mga salitang sa tingin nila ay namayani sa diskurso ng mga Filipino. Sa isang pulong ng pamunuan, ihaharap ang mga salitang ito upang pagkuruan ng mga miyembro. Pagkaraan, ilalatag naman ang mga entri na ipinasa ng mga kalahok. Halos 90% ng nailista ng FIT ay tugma sa ipinapasa ng mga kalahok kaya tila balidasyon na rin ang magiging resulta ng panawagan sa nominasyon sa kanilang paunang listahan ng mga salita.

Kapag opisyal nang nominado ang salita, hihilingin ang mananaliksik na magsumite ng pinal na papel (may kompletong saliksik, citation, at sanggunian) at hanggang maaari ay matanggap ito ng FIT isang buwan bago ang pambansang kumperensiya ng Sawikaan upang magkaroon ng sapat na panahon ang FIT na suriin ang mga salita. Inaasahan sa kanilang papel na mailahad ang pakahulugan sa salita, kasaysayan ng salita, silbi o gamit nito sa lipunang Filipino, at ang katwiran kung bakit ito karapat-dapat na tanghaling salita ng taon.
Anong klaseng papel ang inaasahan ng FIT mula sa kalahok? Hindi ito bolahán lamang. Isang komprehensibong saliksik ang inaasahan ng FIT mula sa mga lumalahok. Malaki ang pagpapahalaga ng FIT sa husay ng pagsulat at presentasyon ng papel. Kaya bawat kalahok ay binibigyan ng tagapayong tutulong upang lalo pang paghusayin ang papel bago iharap sa kumperensiya. Ayon sa pamunuan ng FIT, nalalaman nila ang nambobola lamang sa tunay na nagsasaliksik. Kung sa tingin nila ay hindi nagbibigay ng patunay ang kanilang mga inilalahad sa halaga ng salita, maaari nilang tanggalin ang kalahok at palitan ng iba. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng ulit-ulit na rebisyon ang papel bago pa basahin sa mismong araw ng kumperensiya. “Nililisa ang papel hindi lamang sa estilo kundi sa nilalaman. Tinutukoy ang mga di-lohikong bahagi at sinasabihan ang manunulat na magsaliksik pa at payamanin ang presentasyon (Añonuevo, 2011, x).”

Samakatwid, mahalaga sa Sawikaan ang parehong kakayahan ng kalahok na magtatanggol sa salita at ang kanilang saliksik na ginawa sapagkat may mahalaga itong kontribusyon sa pagsubaybay sa wika ngayon. Ayon nga kay Añonuevo na isa sa mga pamunuan ng FIT at editor ng aklat ng Sawikaan: “…kailangan natin ang matitinong saliksik at mapagtitiwalaang datos. Kailangan natin ang pangkat ng masisikhay na dalubwika, intelektuwal, panitikero, at kritiko. Kailangan natin ang malayang lárang ng talakayan at pagpapalitan ng kaalaman o kuro-kuro. Ang matalas nating pagsubaybay, paglitis, at pagsuri ng mga salita ay makatutulong sa atin kahit paano upang maunawaan ang estado ng ating pambansang wika ngayon.” (Añonuevo, 2007, viii) At hindi rin kailangang maging dalubhasa sa lingguwistika upang maging karapat-dapat na kalahok sa Sawikaan. Ayon kay Baquiran (2008, ix), hindi lamang trabaho ng mga lingguwista ang pag-aaral sa wika kundi tungkulin din ng mga gumagamit nito. Samakatwid, tinitingnan ng FIT ang halaga ng mga táong gumagamit ng wika bilang mananaliksik. Ang mga lumalahok sa Sawikaan mula nang ito ay magsimula noong 2004 ay kinabibilangan ng mga mag-aaral, mga guro sa wika, panitikan, at sosyolohiya na nagmula sa Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo de Manila University, Unibersidad ng Santo Tomas, at De la Salle Univeristy. May ilan ding nagmula sa Far Eastern University at Marawi State University-Iligan Institute of Technology. Ngunit nililinaw ng FIT, hindi sila naglilimita sa pinanggalingang ng kalahok o sa propesyon. Maaaring lumahok ang kahit sino dahil ang pagbabatayan pa rin ng FIT ay ang kanilang saliksik na nakalahad sa itinakdang criteria ng FIT.

Ano ang pamantayan sa Pagpili ng Salita ng Taon Pipiliin ng pamunuan ng FIT ang ang tatanghaling Salita ng Taon sang-ayon sa sumusunod na pamantayan:

1) kabuluhan ng salita sa buhay nating mga Filipino at/o pagsalamin nito ng katotohanan o bagong pangyayari sa ating lipunan;

2) lawak at lalim ng saliksik sa salita, gayundin ang retorika o ganda ng paliwanag, at paraan ng pagkumbinsi sa mga tagapakinig; at

3) paraan ng presentasyon.

Mula sa 12-14 na nominadong salita, bago pa ang kumperensiya ay pinipili na ng pamunuan ng FIT ang limang pinakamahusay na papel ng mga kalahok na nagtataglay ng pamantayan 1 at 2. Samakatwid, may inisyal nang pagraranggo ang FIT batay sa preliminaryong pagsusuri ng pamunuan ng FIT na posibleng tanghaling Salita ng Taon. Ang ikatlong criterion ang magiging “pambasag” na pagpapasiyahan sa mismong araw ng kumperensiya. Isinasaalang-alang ng FIT sa ikatlong criterion ang paraan ng presentasyon tulad ng sari-saring malikhaing teknik tulad ng performance art, kasangkapang biswal, diyalogo—para umani ng mga hikayat mula sa mga tagapakinig sa botohan. Ngunit para sa FIT, dagdag na puntos lamang ito sa kanilang pagpapasiya dahil mas mahalaga pa rin ang criteria 1 at 2. Ang bawat kalahok ay binibigyan lamang ng 20 minuto upang ipaliwanag at ipagtanggol ang kahalagahan ng kanilang mungkahing salita. Ngunit dahil sa limitasyong ito, iilang bahagi lamang ng kanilang papel na isinumite ang maririnig ng mga delegado sa kumperensiya. At batay sa karanasan ng FIT, mas nakakukuha ng boto ang may magaling na performance kaysa mismong katwiran kaya nagkaroon ng hiwalay na gantimpala para sa pinakamagaling na presentasyon bukod sa tatanghaling Salita ng Taon.
Ano ang nangibabaw na mga Salita ng Taon sa nakaraang mga Sawikaan?
1. Sawikaan 2004: Canvass. Ang mga namayaning diskurso sa bawat taon ang pangunahing batayan ng pagpili ng Salita ng Taon ayon sa pamunuan ng FIT. Kaya inaasahan, na ang magwawaging lahok ay yaong pinakanagingbukambibig, laganap, kumakatawan sa isang mahalagang pangyayari sa lipunang Filipino sa loob ng sakop na taon ng Sawikaan. Noong Sawikaan 2004, bagaman maraming salitang naitampok ay mga luma na, na ayon kay Galileo Zafra (2005), isinaalang-alang kasi ang mga salitang matagal-tagal na ring tinangkilik upang mabigyan ng pagkakataong mapag-usapan sa isang venue gaya ng Sawikaan. Ngunit sa kabila noon, ang itinanghal pa ring Salita ng Taon ay ang “canvass” na isang napapanahong salita dahil sa katatapos na eleksiyon. Pinakamahalagang pangyayari sa taóng 2004 ang pambansang halalan. At sa tuwing sasapit ang panahong ito, mainit na isyu ang dayaan, maaaring sa pamamagitan ng “flying voter” o botanteng nakarehistro sa magkakaibang presinto kaya ilang ulit na nakaboboto, “ghost voter” o botanteng patáy na ngunit nagagamit ng iba ang pangalan sa pagboto, “vote-buying” o pagbili ng boto, at “dagdag-bawas,” may kinalaman sa pagbibilang ng boto na ang kandidatong lamáng sa boto ay babawasan at ang kalabang nandadaya ay daragdagan. Ang halalang 2004 ay isa sa pinakakontrobersiyal sa kasaysayan ng Pilipinas kung kailan tinálo ni Gloria Macapagal-Arroyo si Fernando Poe Jr. nang halos isang milyong boto lamang. Naging napakainit na balita ito at gaya ng inaasahan, may mga haka ng dayaan sapagkat napakabihira ang ganitong kadikit na resulta sa pampanguluhang eleksiyon. Ngunit sa kasaysayan ng eleksiyon sa Pilipinas, wala namang napapatunayang nandaya. (Bagaman walang nag-akala na pagkaraan pala ng sumunod na taon ay lilitaw ang isang eskandalong “Hello Garci” o ang wire-tapped na kumbersasyon ni PGMA kay Virgilio Garcillano, isang opisyal ng COMELEC, tungkol umano sa sabwatan nila sa manipulasyon ng resulta sa eleksiyon. Inamin ni PGMA na naganap ang pag-uusap at humingi ng tawad sa sambayanan. Dahil mainit na usapan sa taóng iyon, dalawang salita kaugnay ng eleksiyon ang naging nominado sa Sawikaan—ang “canvass” at “dagdag-bawas.” Tatlo ang pakahulugan ni David sa salitang canvass: ang una ay tumutukoy sa telang ginagamit sa pagpipinta o trapal na pantapal; ikalawa, may kinalaman sa komersiyo na tumutukoy sa pangangalap ng pinakamahusay sa kalidad ng isang produkto o serbisyo sa mababang presyo; ngunit ang namayani ay ang ikatlo na may kaugnayan sa politika, na isang mapagpabagong gawain sa eleksiyon na nangangailangan ng isang masusing pagkilates ng mga dokumentong naglalaman ng resulta. Mapagpabago sapagkat nakasalalay sa masusing inspeksiyon at pagbibilang ng sagradong boto ng mamamayan ang kinabukasan ng bayan. At dahil sa itinakbo ng halalan noong mga panahong iyon, ayon kay David: “dahil sa canvassing, maaari kang manalo sa botohan at matalo sa canvassing… Mayroon tayong presidenteng nailusot sa mga butas ng magaspang na canvas(s).”

2. Sawikaan 2005: huweteng. Ayon kay Galileo Zafra, nagwagi ang “huweteng” dahil sa malaking epekto nito sa pamumuhay ng mga Filipino sa aspektong pampolitika, pang-ekonomiya, at pangkultura: …napatunayan ni Roberto T. Añonuevo na mahalaga ang salita hindi lamang dahil sa popularidad ng sugal sa buong kapuluan kundi dahil sa pagpasok ng huweteng sa larang ng buhay ng mga Filipino. Sa larang ng politika, binago ng huweteng ang mga ugnayang pangkapangyarihan sa lipunan sa paraang ang mga kasangkot sa operasyon ng sugal ay nakapagpapakilos sa mga awtoridad at nakapagmamaniobra sa galaw ng politika ng bansa. Sa ekonomiya, ang malaking kinikita ng huweteng ay nagagamit sa pagpundar at pagpapalago ng iba’t ibang negosyo, legal man o hindi. Sa larang naman ng kultura, ang huweteng ang nagbibigay ng pag-asa sa karaniwang mamamayan samantalang sinisira ang mga halagahan ng mga sangkot sa sugal, pati na ang mga institusyong panlipunan (2006, vii). Ang epekto nito ay mas lalong napatunayan sa pagbibigay ni Añonuevo ng mga naimbentong salita kaugnay ng paglalaro sa salitang huweteng at iba pang lumang salita na may ibang kahulugan sa mundo ng huweteng, gaya ng “balato,” “bangkâ,” “bolitas,” “deskuwento,” “kabo,” “kobrador,” “kobransa,” “lastilyas,” “tamà,” “tayâ,” “porsiyento,” “tambiyolo,” at “tumbók.” Mga kapatid na salita ang tawag ni Añonuevo sa sumusunod: “jueteng lord,” “anak ng huweteng,” “juetengate,” “jueteng payola,” “huweteng intelihensiya,” “Juwetsing,” “Jueteng Blue Book,” “Jueteng operator,” “Jueteng king,” “Maghuweteng,” “Jueteng Country,” “Jueteng Republic,” “Jueteng Conspiracy,” at “Huweteng Nobela.” Isang problemang marapat harapin ang huweteng, iyon ang tila kontekstong nais na sabihin ni Añonuevo. Isang realidad na kumukuwestiyon sa umiiral na politika ng bansa na pinakikilos ng limpak-limpak na salapi mula sa isang ilegal na sugal at ugat ng mas malalim na katiwalian na nagsisimula sa indibidwal, sa pamilya, hanggang sa lipunang Filipino sa pangkalahatan.

3. Sawikaan 2006: lobat . Ito ang itinuturing na pinakaunang paramdam ng epekto sa wikang umuunlad na industriya ng teknolohiya ng bansa noong mga panahong iyon. Nagsimula nang dumami ang gumagamit ng cell phone at marahuyo ang mga Filipino sa gamit nito sa pakikipag-ugnayan hindi na lamang sa kumbensiyonal na pagtawag kundi pati sa pagtext, pagkonek sa Internet, at pakikipag-ugnayan sa social network. Mula sa orihinal na “low battery” o pagkaubos ng enerhiya ng baterya at napipintong kamatayan ng cell phone, isang penomenon ang inilatag ni Jelson Capilos na kaniyang ipinaliwanag bilang “technological dehumanization” o di namamalayang epekto ng makina sa búhay ng isang tao na dulot umano ng salimuot ng modernong pamumuhay sa sarili at nagagawa niyang ihambing ang sarili sa isang mákináng gaya ng cell phone. Kaya “lobat” ang deskripsiyon sa sarili kapag nakaramdam ng matinding págod o panghihina ng katawan matapos ang isang mabigat na gawain, lobat din kapag nawawalan ng gana o lakas. Sa madaling salita, ang lobat ay isang isyu ng pakikipagtunggali ng lipunan sa hindi napipigilang modernisasyon ng mundo. Bukod dito, ang estado ng pagiging lobat ng cell phone ay ginamit ding negosyo ng ilan gaya sa ilang restoran sa mall tulad ng Burger King (BK) na may charging station. Siguro, kahit ayaw mong kumain sa BK, mapipilitan kang kumain para makapag-charge. Sa kasalukuyan, makaraan ang halos walong taon mula nang maitampok ang salitang ito sa Sawikaan, umiiral pa rin ang lobat sa bokabularyong Filipino kaya masasabing lehitimo na itong bahagi ng wikang Filipino.

4. Sawikaan 2007: miskol. Sinimulan ng “lobat” noong nakaraang Sawikaan, noong taóng 2007 naman ay “miskol.” Isa na namang salita na iniluwal ng teknolohiya ng cell phone ngunit pumasok sa diskurso ng sikolohiyang Filipino bilang paraan ng paramdam at pagmamayabang. Inilahad ni Romulo P. Baquiran, Jr. ang dahilan ng pagkapanalo ng miskol: Katulad ng lobat ng 2005, lumaganap ang miskol dahil sa pagkahumaling ng mga Filipino sa komunikasyong cell phone. Nasasalamin sa mga bagong salita tulad ng miskol ang mga bagong realidad na nanghihimasok kundi man sadyang pinatutuloy sa ating kultura at nagiging bahagi ng praktika ng pilosopiya natin sa buhay. Ngunit inangkin na natin ang bagong teknolohiya at ginamit ito sa sariling paraan. Ang marahas at nais sanang iwasang paghihiwalay ng maraming Filipino dulot ng mga udyok na panlipunan at pangkabuhayan ay panandaliang pinagdurugtong ng tawag sa telepono, kahit miskol lamang. Nararamdaman ang presensiya ng mahal sa buhay kahit parang “multo” lamang sa telepono ang naririnig na tinig. Mahalaga ang papel ng wika sa pandarambong na ito. Sinasabi nating “Miskulin mo ako” para mairehistro ang bagong numero, makita ang naiwaglit sa cell phone, o ipagyabang ang bago at magandang ringtone.” Mula sa literal na kahulugan nitong hindi nasagot na tawag sa cell phone, kinilala ng Sawikaan ang naging malawak na ebolusyon ng salita. Mula sa paggamit ng cell phone sa pamamagitan ng simpleng pagpapa-ring upang marinig ang ringtone, magrehistro ng numero ng cell phone ng kausap, matsek kung gumagana ang cell phone, at paghahanap sa nawawalang cell phone sa pamamagitan ng pagpapatunog dito, pagtest kung may load pa na maaaring gamiting pantawag, hanggang sa mas malalim na konteksto nito sa sikolohiyang Filipino na isang makabagong paraan ng pagpaparamdam na umaangkop sa mabilis na pag-imbulog ng modernong panahon. Ayon kay Adrian Remodo (2008, 8), “Ang miskol ay tekstong hindi lamang tumutukoy sa salitang bunga ng isang rebolusyon na dulot ng makabagong teknolohiya at komunikasyon. Tumutukoy rin ito sa pagbabagong nagaganap sa ating sarili, sa pakikitungo natin sa iba, at sa ating pagnanasa na patuloy tayong magparamdam sa panahon ng tunggalian at mas pinipili na lamang ng karamihan sa atin ang magparamdam sa pamamagitan ng pinakamadali ngunit pinakamagastos na paraan: ang cell phone.” Natatangi sa kulturang Filipino ang pagpaparamdam na dulot ng halagahang nakamulatan kaugnay ng pagmamahal sa pamilya, kaibigan, at sinumang mahalaga sa buhay. At isang katotohanan ang ipinakikita ng miskol, na ang teknolohiya ay napakalakas na puwersa hindi lamang sa pag-impluwensiya sa pisikal na kaakuhan ng isang indibidwal, kundi maging ng kaniyang paraan ng pag-iisip at kilos. Bukod dito, binubuwag ng miskol ang limitasyon sa oras at distansiya ng mga tao sa isa’t isa sapagkat maaari nang makapagparamdam anumang oras o gaano man kalayo ang distansiya sa isa’t isa. Ngunit mayroon ding panganib na dahil sa hindi kaharap ang kausap o pinagpaparamdaman, lagi’t laging nariyan ang posibilidad na hindi siya ang kaugnayan sa kabilang espasyo. Kung pagbabatayan ang unang criterion ng Sawikaan na nauugnay sa kabuluhan ng salita sa búhay ng mga Filipino at/o pagsalamin nito ng katotohanan o bagong pangyayari sa ating lipunan, pasók na pasók ang miskol.

5. Sawikaan 2010: Jejemon. Gaya ng naunang mga naitanghal na Salita ng Taon noong 2006 at 2007, iniluwal pa rin ng teknolohiya ang salitang “Jejemon.” Ngunit mas mabigat ito kaysa “lobat” at “miskol” na pagsasakonteksto lamang ng karanasan ng paggamit ng cell phone, ang Jejemon ay isang bagong likhang salita upang kumatawan sa isang umuusbong na uri ng kulturang nabuo dahil sa epekto ng teknolohiya ng cell phone. Samakatwid, hindi lamang ito paglalarawan sa isang karanasan sa lipunang Filipino. Mula teknolohiya tungong politikal ang pagdulog ni Tolentino, na tinitingnan ang Jejemon bilang isang repleksiyon ng umiiral na kalagayang politikal at ekonomiko ng isang subkultura sa lipunan. Ayon nga kay Tolentino (2011, 7), isa itong asersiyon ng politikal na identidad sapagkat umiinog ang mundo sa ekonomiyang kapasidad na makabili ng load at makapagtext, at makaipon ng pera para makapag-Internet at Facebook. Dagdag ni Tolentino, sa direktang politikal na pakikitunggali lamang nagkakaroon ng lagusan para sa politikal na pagkamamamayan ang naisasantabi. Tila patuloy ang tunggalian ng gitnang-uri at ng nasa mababang-uri. Ang isa ay nakikipaglaban sa kumbensiyon upang maiangat ang sarili (Jejemon) at ang isa’y nagpapanatili ng dekorum at nilalabanan ang Jejemon bilang “jejebuster” at “grammar Nazi.” Sa kabilang banda, sapagkat karamihan ng mga sinasabing nabibilang sa “Jejemon” ay mga kabataan, isang malaking hámon ito sa mismong sistemang pang-edukasyon ng bansa. Kung sa US at England, ipinagbawal ang paggamit ng cell phone sa loob ng paaralan dahil sa pagbagsak ng kanilang marka sa spelling at achievement test, maaaring pinag-isipan ng DepEd ang regulasyon hinggil dito. O kaya’y sa halip na tuligsain ito, dapat pag-usapan ang penomenong ito gaya ng ginawa sa Sawikaan upang maunawaan mismo ng mga guro kung dapat ba itong katakutan o hindi. Bagaman sa kasalukuyan, hindi na gaanong mainit na usapin sa edukasyon ang Jejemon gaya noong 2009-2010 ngunit umiiral pa rin ito sa bokabularyong Filipino na isang paraan ng kakaibang pakikipagtalastasan gamit ang cell phone. Ang isang hindi Jejemon ay hindi namamalayang nagiging Jejemon sa simpleng text na, “Musta na u? D2 na me.” Na hinihingi ng pangangailangan sa pagpapaikli ng mga salita bunsod ng limitasyon sa espasyo ng mensahe sa cell phone na limitado sa 160 karakter.

6. Sawikaan 2012: wangwang. Sa introduksiyon ni Romulo P. Baquiran, Jr., pangulo at editor ng hindi pa nalalathalang Sawikaan 2012, bagaman naging popular ang salitang “wangwang” bilang sagisag ng pamamahala ng kaluluklok na pangulo ng Pilipinas noong 2011 na si P-Noy na lumalaban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan, ang wangwang ay ginamit din bilang pagtuligsa sa mga pangako ni P-Noy na mas maunlad, ligtas, at matuwid na lipunang Filipino. Sabi ni Baquiran (2012): … ang “wangwang” ay kinilalang emblematikong representasyon ng administrasyong Aquino at maituturing na islogan ng estilo ng pamamalakad ng Pangulo. Sinasabi nga ng iba, sa tonong hindi malaman kung papuri o pambasag, na ito ang rurok ng mga achievement ni P-Noy. Maparikala ang pagpapakahulugan ni David Michael San Juan sa “wangwang,” na matimbang na rason para itong maging Salita ng Taon. Habang ang retorika at semantikang inaasam ng administrasyong Aquino ay malinaw na para sa sariling nitong ikariringal at angkop na representasyon ng prinsipyong “daang matuwid,” iminumungkahi ng mga pakahulugan ni San Juan na maaaring agawin ng taumbayan itong termino at baguhin upang maging kasalungat ng gusto ng administrasyon. Apropriyasyon samakatwid ang nais mangyari dito, ang pagkiling sa makamasang konotasyon ng salita, paggiit sa diwa ng protesta at pagiging kritikal. Napagsasanga kung gayon ang produksiyon ng kahulugan para sa iisang salita. Mula sa onomatopeikong tunog na “wangwang” tungo sa isang dikskursong sosyo-politikal—ito ang naging saysay ng salitang ito sa lipunang Filipino. Ginamit ni P-Noy bilang sagisag ng tiwali, abusado, at korap na pinunò ng pamahalaan gayundin sa kanilang gawi ng pagmamalabis sa paggamit ng awtoridad at pribilehiyo bilang opisyal. Samakatwid, ang wangwang ay ginamit ni P-Noy bilang sagisag sa kaniyang “matuwid na daan” na kontra katiwalian. Simula lamang ito sa talakay ni David Michael San Juan upang ipaliwanag ang naging umpisa ng popularidad ng wangwang ngunit sa kaniyang paliwanag, mas namayani sa kaniyang diskurso ang wangwang bilang panawagan sa pagbabago. Maraming tumuligsa sa pagkakapanalo sa wangwang bilang Salita ng Taon sapagkat isa diumanong lipás na salitang ginamit ni P-Noy sa kaniyang talumpati noong 2011. Ngunit gaya ng nauna nang nabanggit, mas tumimo ang diskurso ni San Juan sa wangwang bilang panawagan sa pagbabago. Kung sagisag ni P-Noy sa kaniyang matuwid na daan ang wangwang, kinontra ng mga “makakaliwa” ito sa pamamagitan ng paggamit din sa wangwang bilang “hungkag at walang lamán” na gaya ng ingay na nalilikha nito. Ayon kay San Juan, isang “bagong batingaw, pag-iingay o panawagan para sa tunay na pagbabago, paggising sa mga opisyal ng gobyerno at maging sa mamamayan na nakalimot sa tungkulin sa bayan.” Ang ebolusyon ng salitang wangwang ay isang pinakamagandang halimbawa ng pagbabago ng pagpapakahulugan sa salita batay sa nagbabago ring karanasan ng isang lipunan. Sa unang taon ni P-Noy, marami ang umasa sa pagbabago ngunit para sa mga “nagbabantay” sa katuparan ng kaniyang mga pangako, nagkaroon ng bagong danas sa wangwang bilang isang kritikal na pagpuna sa pamamahala ni P-Noy makaraan ang isang taon ng kaniyang panunungkulan bilang pangulo. Sa huli, mas tumimo ang pangwakas na pahayag ni San Juan na: “ililigtas tayo ng salitang wangwang sa luma nating sakit: ang pagsasawalambahala sa mga usaping pambayan at ang pagkalimot sa ating mga tungkulin bilang Filipino.” Tila nakapukaw sa mga hurado at delegado ng Sawikaan ito kung kaya napili bilang Salita ng Taon.

7. Sawikaan 2014: Selfie. Nangangahulugan ang “selfi e” ng pagkuha ng sariling larawan gamit ang smart phone o webcam at agarang pagpapaskil sa social media. Itinuturing na penomenal ang paglaganap ng salitâng ito sa buong mundo sapagkat isa itong bagong likhang salita para sa isang bagong karanasang dulot ng abanteng teknolohiya. Unang kinilala ito sa wikang Ingles at sa katunayan ay itinanghal ding Word of the Year noong 2013 ng Oxford Dictionaries. Dahil sa pagkahumalingng mga Filipino sa social media at tíla isang adiksiyon na ang pagtutok dito lalo na sa Facebook at Instagram, isang paraan ang pagse-selfi e sa pagkonekta dito at sa ibang taong gumagamit din ng Facebook, Instagram, at ng iba pang katulad na social media site. Naging parte na ng buhay ng lahat ang pagkuha ng retrato ng iba lalo na ng sarili para manatiling konektado sa mundong ito. Babae man o lalaki, matanda o bata, sikat na personalidad, o kahit nga ang pinakamatataas na tao sa lipunan ay nagse-selfi e. Mula sa sariling mundo kaharap ang computer o cell phone tungo sa pagkonekta sa mas malawak na mundo ng cyberspace. At mula sa pagiging pribado, ayaw man ng isang tao na maging pag-aari ng publiko, maaari siyang malait o mapuri, sumikat o lumubog, at maging kontrobersiyal. Lalaganap ang retrato sa kung sino-sino at hindi na mapipigilan ang anumang susunod pang mangyayari. Kung bakit itinanghal na Salita ng Taon ang selfi e ay dahil binuksan nina Noel Ferrer at Jose Javier Reyes ang isang katotohanang wala sa pinagmulan nitó sa wikang Ingles. Isa na itong salita na umiiral sa wika at lipunang Filipino na nagpapakita ng isang litaw na kultura ng gitnang-uri o nakaririwasa dahil sa kakayahan nitong bumili ng kasangkapan sa pagkuha ng retrato at akses sa Internet, nagsusulong ng isang kultura ng pagkamakasarili dahil sa labis na pagtutok sa sarili at pagmamahal sa sarili o narsisismo, at isang kultura ng konsumerismo. Bagaman sa maraming pagkakataon ay nagagamit din ito sa pagpapalaganap ng konsepto ng pagkakawanggawa.

8. Sawikaan 2016: Fotobam Hango sa salitang Ingles na “photobomb,” ginamit ni Michael Charleston Chua ang salitang “fotobam” (upang maihiwalay sa orihinal nitong Ingles, bukod sa ito rin ang ginamit sa isang dokumentaryo ng kaniyang mga estudyante noong 2014) upang ilarawan ang isyu ng pagsira ng isang gaya ng Torre de Manila sa isang pambansang simbolo. Mula sa mababaw na pagsingit lang sa retrato ng ibang tao, hinubdan nito ang realidad na hindi nakikita sa isang retrato—ang realidad kung paanong ang mga awtoridad mismo ay mas minamahalaga ang negosyo kaysa ang mga pamanang pangkultura ng bansa. Ayon kay Chua, ang pag-iiba sa baybay ay isa niyang paraan ng paglalapit sa konteksto ng kanilang ipinaglalaban kaugnay ng pangangalaga sa mga simbolong pangkasaysayan at pangkultura ng bansa. Ang bansag na “pambansang photobomber” ang nagbukas sa isyu sa madla na umabot hanggang sa Kataas-taasang Hukuman upang mapag-usapan ang mga isyu kasaysayan, kultura, at pamana na madalas umanong hindi napag-uusapan. Samakatwid, ang salitang mungkahi ni Chua ay isang pagmumulat at isang panawagan ng pagkilos hindi lamang sa kapuwa niya historyador kundi sa lahat ng mamamayang Filipino sa buong bansa.

Ang pakikipaglaban para dito ay pakikipaglaban para sa lahat ng dambanang pangkasaysayan sa buong bansa na sinisira, tinatakpan, at hindi pinahahalagahan ng lokal na awtoridad kapalit ng negosyo at kapitalismo sa bansa. Ayon kay Chua: “Ngunit ang peg na “Pambansang Fotobam” ay nagamit lamang upang lumaganap ang isyu. Hindi ito ang kabuuang kahalagahan ng isyu kundi simula lamang. Ngunit dahil sa peg na ito na tawagin siyang Fotobam, mas napalapit ang isyu sa bayan, at nagtalastasan tayo sa mga mas malalalim na isyu. Hindi lamang ito mababaw na isyu pagpapakuha ng retrato kundi napunta sa isyu ng aesthetics, ano nga ba ang maganda sa paningin? Bahagi ba ang vista o sightline ng mga pambansang monumento, lalo ang Rizal Park, sa mga kailangang ingatan bilang pamana o heritage? Paano ba natin pinapahalagahan ang ating kasaysayan at pamanang kultural?

Sa kontrobersiya ng paggamit ng “Fotobam” sa halip na “Photobomb,” bahagi ito ng diskurso ni Chua na ipinaliwanag niya sa bahagi ng kaniyang papel at presentasyon. Narito ang sipi: Ngunit bakit hindi na lamang Photobomb o Photobomber ang gamitin para sa patimpalak na ito na “Salita ng Taon 2016.” Ganito ang baybay ng mga tao sa social media. Bakit Fotobam? Una kong nakitang ginamit ang baybay at ang tangka sa pagsasa-Filipino nito matapos akong kapanayamin ni Carl Angelo Ruiz at Jong Gutierrez, mga estudyante ng De La Salle College of St. Benilde noong hapon ng unang pagdinig ni Senador Cayetano. Nang matapos ang 18-minutong dokumentaryo ilalim ng Benilde Film at kinatampukan ng mga panayam mula sa iba’t ibang mahahalagag personalidad sa isyu ng Torre de Manila, pinangalanan nila itong FOTOBAM (Ruiz 2014). Ayon kay G. Ruiz, “Nanggaling po yan sa salitang ‘photo bomber’ noong panahong yon. Inisip kong hindi ilayo ang title para mas maging attached ang mga manonood.” Ngunit saan niya nakuha ang ideya para sa baybay na ito? Ayon pa sa kanya, “Kasi when we were conceptualizing the title wala talaga akong ibang pinagbatayan kundi ang salita ngang photo bomber without knowing na sisikat ang salitang yon.”
Ngunit bakit nararapat ang salitang “Fotobam” na maitanghal na “Salita ng Taon” para sa taong 2016.
Una, organiko ang Fotobam, galing ito sa isang estudyante na nagkainteres sa isyu. Pangalawa, kung may mga kailangang salitang isa-Filipino, kailangan munang tumingin kung mayroon itong katumbas sa mga wika sa Pilipinas, kung wala ay kung mayroon itong katumbas sa Wikang Espanyol. Ang salitang Fotobam ay akma sapagkat ang salitang Foto ay nasa Wikang Espanyol, gayundin, hindi nababago ang pagbigkas sa Ingles sapagkat ang salitang Photobomb ay binibigkas naman talaga bilang Fotobam. Pangatlo, magiging ambag ang bagong baybay na “Fotobam” sa pagpapayaman ng Wikang Filipino hindi lamang bilang wika ng diskursong pang-akademiko, kundi bilang wika ng pang-araw-araw na buhay. Lalo na kung ito ay mapili bilang “Salita ng Taon.” Ang salitang “Fotobam” ay hindi lamang isang usong salita dahil sa hilig nang pagreretrato ng mga millennials, kundi isang salita na nagdala sa bayan, at sa maraming aspekto nito tulad ng media at legalidad, sa isang mas mataas na lebel ng usapan ukol sa kasaysayan at pamanang pangkalinangan.
Mula dito, ano ang mga katangian ng mga nangingibabaw ng mga Salita ng Taon? Ang mga salitang nangibabaw sa Sawikaan sa bawat taon ay:
1. Naglalarawan ng isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan sa isang partikular na taon na kadalasan ay politikal. Gaya ng “canvass” na paglalarawan sa kalakaran sa eleksiyon; sa “huweteng” bilang malaking eskandalo sa politika sa pagpasok ng ika-21 siglo na yumanig sa umiiral na sistema sa politika, sikolohiya, ekonomiya, at kultura ng mga Filipino; sa impak ng teknolohiya ng mobile phone sa pagpasok din ng ika-21 siglo na makikita sa sunod-sunod na pagkakalikha ng bagong pagpapakahulugan sa mga salitang “lobat,” “miskol,” at “selfie” na natatangi sa karanasang Filipino (at naiiba na sa orihinal na kahulugan nito sa Ingles), at lalo sa pagkakalikha ng bagong salitang “Jejemon” na isang pakikipagtunggali ng nagbabanggaang uri sa lipunan; at gayundin sa “wangwang” na isang sagisag ng magkasalungat na pagpapakahulugan ng isang pinuno at ng mga mamamayan nito—ng isang nangangako ng isang pagbabago kontra sa paniningil sa pangakong napakò. At “fotobam” na pagtuligsa sa lokal na awtoridad, dahil sa pagiging kasangkapan nila sa pagsira sa mga dambanang pangkasaysayan at mas pagpapahalaga sa negosyo kaysa pangangalaga sa pamanang pangkultura. Nagawa nitong imulat ang lahat ukol sa pagrebyu at pagpapalakas sa mga batas ukol sa dito.

2. Nagtatampok sa mga kontrobersiyal na isyu sa lipunan. Gaya sa “canvass” na nagbubunyag sa isyu ng dayaan sa eleksiyon; sa “huweteng” na nagbunyag sa pagkakasangkot ng matataas na opisyal ng pamahalaan gayundin ng simbahan na repleksiyon ng malawakang katiwalian sa lipunan na ugat ng lalong tumitinding kahirapan; sa “miskol,” “lobat,” at “selfie,” na naglalarawan sa hindi namamalayang impluwensiya ng teknolohiya sa sikolohiya at pilosopiya gayundin sa halagahang kinagisnan ng mga Filipino at ang pinakamasama ay ang hindi namamalayang pagyaman ng mga pribadong kompanya sa pagkarahuyo ng mga Filipino sa cell phone na umaangat ang antas bilang pangunahing pangangailangan sa halip na isa lámang luho o pantulong sa komunikasyon. Ang cell phone ang tíla kumokontrol sa mga tao sa halip na ang tao ang kumokontrol sa cell phone na dahilan din ng pagkakabuo sa uring “Jejemon” sa lipunan. Samantala, binuksan sa “selfie” ang di namamalayang nagiging epekto nitó sa pag-iisip at pamumuhay ng isang indibidwal gaya ng pagkahumaling sa sarili at pagkamakasarili, at pati ang hindi ring namamalayang pagtatagumpay ng konsumerismo dahil sa pagtangkilik sa anumang produkto o pamumuhay na may kaugnayan sa teknolohiya at pagse-selfie. Laban ng mga nagmamahal sa kasaysayan at kultura konta sa mga awtoridad na walang pagpapahalaga sa yamang pangkultura ng bansa ang binuksang isyu ng “fotobam.” Na sa halip na sila ang magbigay ng proteksiyon sa kasaysayan at kultura, sila mismo ang instrumento sa pagyurak ng negosyo at kapitalismo sa lahat ng simbolong pangkasaysayan mula sa mga monumento hanggang lumang gusali na ipinatitibag o tinatakpan para lamang maging negosyo.

3. Gumigising sa damdamin tungo sa pagbabago o paghahanap ng solusyon sa isang problema sa lipunan. Tila isang kritikal na talasalitaang panlipunan ang lahat ng mga salitang natatampok sa Sawikaan—lumalampas sa literal na pakahulugan at nagbibigay ng paliwanag sa kontekstong hindi maipapaliwanag sa pag-aaral lamang sa estruktura ng isang salita o ng isang wika sa pangkalatahan; naglalatag ng mga problema at nananawagan sa pagbabago—maaaring pagbabago sa sarili, sa pamahalaan, o sa bayan. Bilang buod, lahat ng mga salitang nagwagi sa Sawikaan ay nagwawagi dahil sa tatlong salik: una, dahil sa paglalarawan nito sa isang mahalagang kasaysayan sa isang espesipikong taon; ikalawa, sa pagiging kontrobersiyal ng diskurso na dahilan ng pagiging bukambibig dito ng mga mamamayan; at ikatlo, nanawagan ito ng isang pagbabago o solusyon sa isang malalim na problema sa lipunang Filipino na hindi napag-uusapan. Ngunit sa pamamagitan ng Sawikaan, nagagawang upuan, talakayin, lisahin, suriin sa iba-ibang konteksto ang iba-ibang suliranin sa lipunan sa pamamagitan ng mga salita at ng wika. Babalikan ang sinabi ni Romulo P. Baquiran, Jr sa unang bahagi ng saliksik na “… kaugnay ng salita ang realidad. Nailalarawan ng mga bagong salita ang mga kontemporaneong realidad. O ang realidad ba ang lumilikha ng mga bagong salita? Ano’t anuman, magkatalik ang salita at realidad. At natatandaan natin ang mundo—ang ating mundo—sa pamamagitan ng mga popular at mabebentang salita.”

DADGAG NA PALIWANAG: Ang lahat ng 10 hanggang 14 na salitang kasama sa taunang Sawikaan ay mga Salita na ng Taon. Mga salita iyang umiiral sa iba’t ibang diskurso ng isang tao, pangkat, subkultura, o institusyon na ginamit, lumaganap, naging bukambibig sa isang partikular na panahon at ginagamit sa iba’t ibang kontekstong batay sa danas ng tagapagtangol ng salita. Ang pagtititulo sa Top 3 o yaong mga nakatanggap ng una, ikalawa, at ikatlong puwesto ay pagkilala sa husay ng saliksik, at bigat ng patunay at katwiran sa isinumiteng papel; at husay ng presentasyon at pagsagot sa mga tanong sa mismong araw ng kumperensiya (kumbaga, para silang nahaharap sa isang depensa sa kanilang tesis). Isa itong kritikal na pag-aaral sa mahahalagang isyung panlipunan sa pamamagitan ng Salita. Hinihikayat ang iba na gumawa ng ibang bersiyon ng Salita ng Taon batay sa dami ng gamit sa Internet o sa social media bilang batayan ng popularidad ng salita, malaya kayong gawin ito kagaya ng dahilan kung bakit may magkakaibang “word of the year” ang American Dialect Society, Merriam Webster, Oxford Dictionaries, Global Language Monitor, at iba pa para sa wikang Ingles. Magiging dagdag itong ambag sa pag-aaral sa wika.

Sa ganito, lampas na ang Sawikaan sa pag-aaral sa wika lamang, nagbubukas ito ng isang paraan ng pag-aaral sa kasaysayan at kultura sa pamamaggitan ng mga salitang naglalarawan sa mahahalagang pangyayari sa lipunan.
PAHABOL (Ukol sa mga Presenter o Tagapagtanggol ng mga Salita): Isang mahalagang bahagi ng Sawikaan ang presenter o tagapagdevelop ng salitang lahok. Karamihan o halos lahat sila ay mga guro sa iba’t ibang premyadong Unibersidad gaya ng Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, at De la Salle University – Manila, at iba pa; at ang iba ay mga malikhaing manunulat. Ang kanilang expertise sa pananaliksik at mahusay na organisasyon ng kanilang nasa isip ang naging instrumento sa mahusay na paglalatag ng lahat ng anggulong makapagpapalilawanag sa saysay ng salita sa lipunang Filipino. Gumaganap silang tagamasid at tagasubaybay sa wika at nagsasakonteksto ng mga salita batay sa sariling karanasan at diskurso. Samakatwid, sila ang nagbibigay ng pakahulugan sa mga Salita ng Taon bilang teksto batay sa kanilang sariling diskurso na resulta ng kanilang pagdanas at/o obserbasyon sa mga nagaganap sa mas malawak na lipunan.

1 comment:

  1. HOW I BECAME A VICTOR AFTER SO MANY FAILED ATTEMPT OF GETTING A LOAN.

    I feel so blessed and fulfilled. I've been reluctant in applying for a loan i heard about online because everything seems too good to be true, but i was convinced & shocked when my friend at my place of work got a loan from COLLINS GUZMAN FUNDING'S & we both confirmed it and i also went ahead to apply, today am a proud owner of my company and making money for my family and a happy mom. As a single mom with three kids it was hard to get a job that could take care of me and my kids and I had so much bills to pay and to make it worst I had bad credit so i couldn't obtain a loan from any bank. I had an ideal to start a business as an hair stylist but had no capital to start, tried all type of banks but didn't work out until I was referred by my co-worker to a godsent lender advertising to give a loan at 2% interest rate. I sent them a mail using their official email address (collinsguzmanfundings@gmail.com) and I got a reply immediately and my loan was approved, and I was directed to the Bank site where I withdrawed my loan directly to my account. To cut the story short am proud of my hair stylist company and promise to testify to the world how my life was transformed.. If you are in need of any kind of loan, i advise you contact Collins Guzman Funding's and be financially lifted. Email: collinsguzmanfundings@gmail.com OR Call/Text +1 (786) 598-8751

    ReplyDelete