Thursday, July 28, 2016

Monday, July 18, 2016

Filipino: Wika ng Karunungan ni Shiela B. Dizon

                            Filipino: Wika ng Karunungan
ni Shiela B. Dizon
 
" Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda" -Dr. Jose Rizal

Para sa mga tao, ang Ingles ang wika ng daigdig upang magkaunawaan ang ibat-ibang lahi, ngunit sa kabilang banda ang wikang Ingles ay hindi wika ng karunungan dahil ang isang bansa na may sariling wika, kultura at kabihasnan ay susi upang ang mga tao ay magkaruon ng ugnayan sa isat-isa.
Isa ang sariling wika sa bumubuo ng ating pagkatao. Ang pag-gamit ng sariling wika ay hindi nakakabawas ng katalinuhan at kasikatan kung ito ay gagamitin sa naaayon na pamamaraan. 

Maraming nag-aakala na ang mga pilipino ay mahina o walang alam sa pagsasalita o pakikipagtalastasan gamit ang ibang lenggwahe ngunit isa itong maling akala dahil ilang persyento ng pilipino ay may kaalaman at dalubhasa nasa pagsasalita ng ingles ngunit mas pinili nilang ipahayag ang kanilang sarili at karunungan gamit ang kanilang sariling wika na wikang Filipino.
Mapapansin natin na ang wikang Filipino ang gamit ng ating dating pangulong Benigno "Noynoy" Aquino lll sa kanyang mga talumpati at pakikipagtalastasan sa taumbayan, dito natin masasabi na ang "Filipino: Wika ng karunungan" ay buhay na buhay. Dahil dito naipagmamalaki sa buong daigdig na hindi kasukatan ng karunungan ay ang pagaaral ng ibang lenggwahe,kundi ang sariling wika lamang natin ang siyang makakatulong satin upang ang bayan natin ay umunlad.

Wikang Filipino ang sumasalamin sa ating pagkatao kaya ito'y ating tanggapin, pagyamanin, ipagmalaki at gamitin sa ibat-ibang larangan ng pakikipagtalastasan. Hindi sukatan ang pagaaral ng ibat-ibang lenggwahe upang matawag na intelihente, dahil wikang Filipino lamang ang wikang dapat pagyamanin.

"Marami man ang wika sa mundo, wikang Filipino ay matatag at buong-buo."

Wika ng Karunungan ni Clarissa Mae O. Pangilinan

Wika ng Karunungan
ni Clarissa Mae O. Pangilinan

Nakakalungkot man isipin na karamihan sa atin nakakalimutan na ang tunay na kahalagahan ng sariling wika, sapagkat marami ng dayuhang wika ang nagsipagdatingan. Tulad na lang ng mga naririnig ko sa mga bata mas hasa pa sila sa salitang ingles sapagkat ayun ang unang tinuro sa kanila ng mga nakakatanda sa kanila.

Bakit? Dahil ayun na ba ang uso ngayon ang mag ingles? Sa tingin kasi ng karamihan pag marunong kang mag ingles isa ka ng matalinong tao, magaling at dalubhasa, hindi ba ang tunay na dalubhasa ay ang isang tao may pagmamahal sa sariling wika at hindi nya ito kinakahiya. Sabi nga ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”

Diba mas mabilis ang pagkatuto ng mga bata kapag ang una nilang natutunan ay ang unang wika nila. Dapat ipaalala sa atin ang kabuluhan ng sariling wika. Mas lalo pa natin damahin at unawain ang sariling wika, wikang pambansa.

Sa anumang gawain o bagay, pagkakataon o saan mang lugar ang wika ay lagi na nating ginagamit. Sa pakikipag-usap o salamuha natin sa kapwa mas nakapag-iisip at nakadadama tayo ng malaya at madali pa tayong magkaunawaan kapag sariling wika natin ang ginamit.

Mahalaga ang ginagampanan ng wika sa ating lahat sa paghahasa ng pakikikomunikasyon o pakikitungo natin sa kapwa tao.
Ang wika ang salamin ng lahi.

Wikang Filipino, Ating Armas! ni Maria Carla Cedo

Wikang Filipino, Ating Armas!
ni Maria Carla Cedo   

Ang wika ay ginagamit bilang midyum upang magkaroon nang pagkakaunawaan ang bawat mamamayan sa isang bansa.  Ang Pilipinas ay mayroong 7,107 na mga pulo at 150 dayalekto.  Bawat rehiyon sa bansa ay may kani-kaniyang ginagamit na dayalekto.  May mga salitang hawig sa dayalekto ng ibang rehiyon at pareho ng ibig sabihin ngunit mayroon ring mga salitang hawig ang katawagan ngunit malayong malayo ang kahulugan sa isa't isa.  Ganoon pa man ay mayroon pa ring wikang nakakapagbuklod-buklod sa bawat rehiyon ito ay ang wikang Filipino.

Gaano nga ba kahirap unawain ang isang panuto at paksa na nakasalin sa ibang lenggwahe para sa isang estudyante? Sa isang propesyunal? Sa isang taong hindi nakapag-aral?  Marahil marami sa atin ay nakakaintindi ng ibang lenggwahe katulad na lamang ng ingles ngunit may mga taong kahit anong pilit sa pag intindi'y laging pumapalya.  May malaking gampanin ang wika sa ating buhay gaya na lamang nang ating pagkatuto sa mga bagay-bagay sa ating paligid.  Mas nauunawaan kasi natin ang isang bagay kung ito'y naipaliliwanag sa wikang iyong nakasanayan.  Mas lumalawak rin ang ating pagkatuto at imahinasyon kapag ito'y naintindihan natin nang mas maigi.  Tunay ngang isang armas ang wika, gaya ng wikang Filipino dahil ito'y maaaring magdala sa atin sa bagay na nais nating marating o sa ating pangarap.  Matuto man tayo sa ibang wika'y huwag kaliligtaan na mayroon tayong sariling atin na dapat pagyamanin. Huwag mahihiyang gumamit ng wikang Filipino saan ka man naroon dahil ito'y sumasagisag sa iyong identidad bilang mamamayang Pilipino.  Matayog man ang ating marating ay huwag na huwag nating kalilimutang magpasalamat sa ating wikang sarili dahil kung hindi mo naunawaan ang mga bagay-bagay noong bata ka pa ay wala ka ngayon sa posisyong kinalalagyan mo.  Huwag tayong magpakain sa sistemang nagu-udyok upang talikuran ang wikang iyo, sa akin at sa atin.

Ayon kay Thomas Caryle ang wika ay itinuturing saplot ng kaisipan; gayunman, mas angkop marahil na sabihing ang wika ay ang saplot-kalamnan, ang mismong katawan ng kaisipan.  Ganun rin sa ating wika, laging isaisip na ang wikang Filipino ay isa sa mga sangkap kung bakit tayo nagkaroon ng karunungan at ito ang ating armas upang makamit ang maganda nating bukas.  

FILIPINO: WIKA NG KARUNUNGAN ni Pauline S. Pecho

FILIPINO: WIKA NG KARUNUNGAN
Pauline S. Pecho

                        Ang wika ay bahagi ng ating kultura. Ito ay koliktibong kaban ng karanasan ng tao sa tiyak na lugar at panahong kaniyang kasaysayan. Sa tulong ng wika, makikilala ng bayan ang kaniyang kultura at matutuhan niya itong angkinin at ipagmalaki. 

                        Ang wika ay isang instrument na ginagamit ng mga tao sa pakikipagtalastasan. Ito rin ay nagiging daan upang magkaroon ng pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang tao. Sa tulong ng wika, naipahahayag o nailalabas ng isang tao ang kaniyang saloobin sa kaniyang kapaligiran. Samakatuwid, ito ay nagiging daan upang magkaroon ng pagkakaisa sa kaisipan, saloobin at layunin ang mga tao. 

                        Mahalaga ang wika sapagkat ito ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon. Ginagamit ito upang malinaw at epektibong maipahayag ang saloobin ng isang tao. Ito rin ay sumasalamin sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan. At higit sa lahat isa itong mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.

Filipino: Wika ng Karunungan ni Anezka Misal R. Naputo

Filipino: Wika ng Karunungan

Ang Pilipinas ay isang multilingual na bansa kung saan binubuo ng mga iba't ibang wika mula iba't ibang rehiyon ng bansa. Ang wikang Filipino ang pambansang wika nito kung saan ito rin ang isa sa ginagamit na midyum sa pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan sa buong bansa. lsa rin ito sa mga ginagamit sa mga talakayan at sa mga iskolarling pag-aaral. Samakatuwid, ang wikang Filipino ay may malaking naiambag sa kalingan at pagbibigay ng mga impormasyon sa pang-araw araw na buhay ng isang Pilipino.

Kamakailan ay pinagtatalunan ang ukol sa pagtatanggal ng wikang Filipino sa lahat ng Unibersidad sa Pilipinas, kung saan mariin na tinutulan ng karamihan. Hindi natin maitatanggi na malaki ang naitulong ng wikang Filipino sa paglinang at pag-unlad ng ating bansa, mula sa diskusyon sa paaralan hanggang sa larangan ng komersyo. Dahil sa naging kolonyal tayo ng Amerika nahaluan ang wika ntin ng wikang Ingles, nagkaroon ng mentalidad ang karamihan na mas nakaaangat kapag mas maalam ka kapag marunong ka sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Sa kasalukuyan, namamayagpag ang wikang Ingles sa ating bansa na mapapansin sa mga patalastas sa telebisyon, sa malawak na mundo ng internet, sa ilang sosyal na pasyalan, sa mga gobyernong tanggapan, sa loob ng paaralan, sa mga pamilihan at sa ibang institusyon. Nakalulungkot sapagkat sa panahon kung saan laganap ang makabagong teknolohiya ang ilan ay isinusuka ang sariling wika natin at mas tinatangkilik ang dayuhang wika. Ang wikang Filipino ay nagiging daan upang tayo ay pagbuklurin at pag-isahin bilang isang bansa tungo sa kaunlaran. Kung mapapansin mas madaling maunawaan ang isang pahayag o isang konteksto kung ito ay nakalimbag sa wikang Filipino gayundin sa pakikkpag-ugnayan sa ating kapwa, ito ay dahil sa ang wikang Filipino ay malapit sa ating puso. 

Ang wikang Filipino bilang isang wika ng karunungan, wika na sa paglipas ng panahon ay nakabubuo ng mga panibagong salita mula sa ibang wika, wika na ginagamit sa pagpapahayag ng mga saloobin, pagbabahagi ng kaalaman, mga opinyon,  sa agham at teknolohiya, pagpaparating ng impormasyon sa kung anong kalagayan ng ating lipunan at sa pag-aaral at pagpapalalim pa nito, sa pagmulat sa ating nakaraang kasaysayan at patuloy pa nating gagamitin para sa hinaharap.