Wikang Filipino, Ating Armas!
ni Maria Carla Cedo
Ang wika ay ginagamit bilang midyum upang magkaroon nang pagkakaunawaan ang bawat mamamayan sa isang bansa. Ang Pilipinas ay mayroong 7,107 na mga pulo at 150 dayalekto. Bawat rehiyon sa bansa ay may kani-kaniyang ginagamit na dayalekto. May mga salitang hawig sa dayalekto ng ibang rehiyon at pareho ng ibig sabihin ngunit mayroon ring mga salitang hawig ang katawagan ngunit malayong malayo ang kahulugan sa isa't isa. Ganoon pa man ay mayroon pa ring wikang nakakapagbuklod-buklod sa bawat rehiyon ito ay ang wikang Filipino.
Gaano nga ba kahirap unawain ang isang panuto at paksa na nakasalin sa ibang lenggwahe para sa isang estudyante? Sa isang propesyunal? Sa isang taong hindi nakapag-aral? Marahil marami sa atin ay nakakaintindi ng ibang lenggwahe katulad na lamang ng ingles ngunit may mga taong kahit anong pilit sa pag intindi'y laging pumapalya. May malaking gampanin ang wika sa ating buhay gaya na lamang nang ating pagkatuto sa mga bagay-bagay sa ating paligid. Mas nauunawaan kasi natin ang isang bagay kung ito'y naipaliliwanag sa wikang iyong nakasanayan. Mas lumalawak rin ang ating pagkatuto at imahinasyon kapag ito'y naintindihan natin nang mas maigi. Tunay ngang isang armas ang wika, gaya ng wikang Filipino dahil ito'y maaaring magdala sa atin sa bagay na nais nating marating o sa ating pangarap. Matuto man tayo sa ibang wika'y huwag kaliligtaan na mayroon tayong sariling atin na dapat pagyamanin. Huwag mahihiyang gumamit ng wikang Filipino saan ka man naroon dahil ito'y sumasagisag sa iyong identidad bilang mamamayang Pilipino. Matayog man ang ating marating ay huwag na huwag nating kalilimutang magpasalamat sa ating wikang sarili dahil kung hindi mo naunawaan ang mga bagay-bagay noong bata ka pa ay wala ka ngayon sa posisyong kinalalagyan mo. Huwag tayong magpakain sa sistemang nagu-udyok upang talikuran ang wikang iyo, sa akin at sa atin.
Ayon kay Thomas Caryle ang wika ay itinuturing saplot ng kaisipan; gayunman, mas angkop marahil na sabihing ang wika ay ang saplot-kalamnan, ang mismong katawan ng kaisipan. Ganun rin sa ating wika, laging isaisip na ang wikang Filipino ay isa sa mga sangkap kung bakit tayo nagkaroon ng karunungan at ito ang ating armas upang makamit ang maganda nating bukas.
No comments:
Post a Comment