Monday, July 18, 2016

Filipino: Wika ng Karunungan ni Anezka Misal R. Naputo

Filipino: Wika ng Karunungan

Ang Pilipinas ay isang multilingual na bansa kung saan binubuo ng mga iba't ibang wika mula iba't ibang rehiyon ng bansa. Ang wikang Filipino ang pambansang wika nito kung saan ito rin ang isa sa ginagamit na midyum sa pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan sa buong bansa. lsa rin ito sa mga ginagamit sa mga talakayan at sa mga iskolarling pag-aaral. Samakatuwid, ang wikang Filipino ay may malaking naiambag sa kalingan at pagbibigay ng mga impormasyon sa pang-araw araw na buhay ng isang Pilipino.

Kamakailan ay pinagtatalunan ang ukol sa pagtatanggal ng wikang Filipino sa lahat ng Unibersidad sa Pilipinas, kung saan mariin na tinutulan ng karamihan. Hindi natin maitatanggi na malaki ang naitulong ng wikang Filipino sa paglinang at pag-unlad ng ating bansa, mula sa diskusyon sa paaralan hanggang sa larangan ng komersyo. Dahil sa naging kolonyal tayo ng Amerika nahaluan ang wika ntin ng wikang Ingles, nagkaroon ng mentalidad ang karamihan na mas nakaaangat kapag mas maalam ka kapag marunong ka sa wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Sa kasalukuyan, namamayagpag ang wikang Ingles sa ating bansa na mapapansin sa mga patalastas sa telebisyon, sa malawak na mundo ng internet, sa ilang sosyal na pasyalan, sa mga gobyernong tanggapan, sa loob ng paaralan, sa mga pamilihan at sa ibang institusyon. Nakalulungkot sapagkat sa panahon kung saan laganap ang makabagong teknolohiya ang ilan ay isinusuka ang sariling wika natin at mas tinatangkilik ang dayuhang wika. Ang wikang Filipino ay nagiging daan upang tayo ay pagbuklurin at pag-isahin bilang isang bansa tungo sa kaunlaran. Kung mapapansin mas madaling maunawaan ang isang pahayag o isang konteksto kung ito ay nakalimbag sa wikang Filipino gayundin sa pakikkpag-ugnayan sa ating kapwa, ito ay dahil sa ang wikang Filipino ay malapit sa ating puso. 

Ang wikang Filipino bilang isang wika ng karunungan, wika na sa paglipas ng panahon ay nakabubuo ng mga panibagong salita mula sa ibang wika, wika na ginagamit sa pagpapahayag ng mga saloobin, pagbabahagi ng kaalaman, mga opinyon,  sa agham at teknolohiya, pagpaparating ng impormasyon sa kung anong kalagayan ng ating lipunan at sa pag-aaral at pagpapalalim pa nito, sa pagmulat sa ating nakaraang kasaysayan at patuloy pa nating gagamitin para sa hinaharap. 
                

No comments:

Post a Comment