Pambansang
Kumperensiya sa Wika at Sawikaan Salita ng Taon 2016, sa Oktubre na!
Muling idaraos ng
Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Komisyon
sa Wikang Filipino (KWF), National Commission for Culture and the Arts (NCCA),
at UP Kolehiyo ng Edukasyon ang “Sawikaan
2016: Pagpili ng Salita ng Taon” kasabay ng “Pambansang Kumperensiya sa Wikang Filipino” na may temang “Wikang Filipino bilang
Wikang Siyentipiko” na gaganapin sa 5 – 7 Oktubre 2016, 8:00 ng umaga hanggang
5:00 ng hapon, sa Benitez
Theater, Kolehiyo ng Edukasyon, Lungsod Quezon. Ang nabanggit na okasyon ay
tinatangkilik din ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at ng Komisyon sa Lalong
Mataas na Edukasyon (CHED).
Ang Sawikaan ay isang mahalagang proyektong
nagtatampok sa pamimili ng pinakamahahalagang salita na namayani sa diskurso ng
mga Filipino sa nakalipas na taon. Ilan sa mga itinanghal nang Salita ng Taon
ay ang canvass (2004), jueteng/huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), jejemon
(2010), wangwang (2012), at selfie (2014). Para sa darating na
Sawikaan 2016, napiling nominado ang mga salitang netizen, bully, foundling, hugot, lumad, meme, fotobam, viral, tukod, at milenyal. Mga salita itong dulot ng nauusong laro at teknolohiya;
naging laman ng telebisyon, mga social network, at balita; o iniluwal ng
sumabog na kontrobersiya sa politika at matinding kalamidad. Samahan kaming
balikan ang mahahalagang pangyayaring nagluwal sa mga salitang ito at saksihan
kung paano ito bibigyang pakahulugan at ipagtatanggol ng mga kalahok para
maging Salita ng Taon 2016! Naniniwala ang FIT na ang proyektong ito ay isang
malikhain at mabisang estratehiya para mapatampok ang dinamismo ng wikang
Filipino.
Bukod sa pagpili ng
salita ng taon, may inimbitahan ding mga respetadong edukador, administrador,
at iskolar sa wika na magbibigay ng panayam hinggil sa napapanahong
isyung pangwika. Sa taong ito, tema ng kumperensiya ang “Wikang Filipino bilang
Wikang Siyentipiko” na magpapatunay na ang wikang
Filipino ay lampas na sa pagiging midyum lamang ng pagtuturo at komunikasyon,
bagkus, ito ay isang siyentipikong wika na kayang tumapat sa ibang wika ng
daigdig at nagsisilbing wika ng lalong mataas na karunungan gaya ng agham at
matematika, pilosopiya, ekonomiks, pananalapi, at iba pa. Magkakaroon
din ng pakitang-turo na inaasahang makapagbibigay ng mungkahing paraan ng
inter-aktibong pagtuturo ngayon sa wika na angkop sa implementasyon ng K to 12
ng DepEd. Sa huli, magkakaroon din ng Workshop upang mailatag ng mga guro ang
kanilang mga pangangailangan, sariling ebalwasyon, at pangangailangan sa
pagtuturo na maaaring irekomenda sa DepEd para matugunan nila sa lalong
madaling panahon lalo na yaong may kaugnayan sa implementasyon ng programang
K-12.
Bayarin sa rehistrasyon: P3000.00 (non-refundable, para sa registration
fee, am/pm snack, tanghalian, handout, kit,
conference bag, ID, sertipiko, aklat ng Sawikaan)
Kinakailangang
magpatala bago ang 23 Setyembre 2016 upang maibilang kayo bilang opisyal na
delegado. Kung makapagbabayad sa o bago ang Setyembre 16, makakukuha ng 10% deskuwento. Makipag-ugnay kay Bb.
Eilene G. Narvaez sa Tel. No. (02) 547-1860 o Mobile no. 0925-7102481 o sumulat
sa fitsawikaan2012@gmail.com
para sa hiling na opisyal na imbitasyon.
Sa aking palagay,ang magiging salita ng taon ay meme. Sapagkat Ang meme Ang ginagamit upang ilarawan Ang mga konsepto Na lumalaganap sa internet. dahil sa mabilis Na pagkalat nito sa internet, itoy nagbibigay aliw,a t kung minsan ay nagbibigay balita sa mga netizen.
ReplyDeleteSa aking palagay,ang magiging salita ng taon ay meme. Sapagkat Ang meme Ang ginagamit upang ilarawan Ang mga konsepto Na lumalaganap sa internet. dahil sa mabilis Na pagkalat nito sa internet, itoy nagbibigay aliw,a t kung minsan ay nagbibigay balita sa mga netizen.
ReplyDelete