Friday, May 22, 2015

ULIRANG GURO SA FILIPINO 2015

ULIRANG GURO SA FILIPINO 2015


MGA TUNTUNIN

Ang Ulirang Guro sa Filipino ang taunang gawad na ibinibigay ng Komisyon sa Wikang Filipino sa mga pilî at karapat-dapat na guro sa Filipino sa kahit anong antas ng edukasyon sa bawat rehiyon.
Hinahangad ng tanggapan na makilala at maipagparangalan ang mga natatanging guro sa Filipino na nagpamalas ng angking husay, talino, at dedikasyon sa pagpapalaganap at promosyon ng wikang Filipino at/o mga wika at kultura sa kanilang komunidad.
1. Bukás ang timpalak sa mga guro sa Filipino, maliban sa mga kawani ng KWF at mga direktor ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), at kanilang mga kaanak hanggang ikalawang digri (degree).
2. Ang mga nominado ay kinakailangang magtaglay ng mga sumusunod na katangian:
            a. May hawak na kaukulang lisensiya (LET, atbp.), full-time at permanenteng status.
            b. Nakapaglingkod nang tatlo o higit pang taon bílang guro ng Filipino o mga kaugnay na disiplina na ang gamit ay Filipino bílang wikang panturo sa anumang antas ng edukasyon at may antas ng kahusayan (performance rating) na hindi bababa sa Very Satisfactory sa buong panahon ng paglilingkod.
            c.Nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng wikang Filipino sa rehiyon sa pamamagitan ng pananaliksik, publikasyon, seminar, pagsasanay, palihan, at iba pang katulad na aktibidad.
            d. Nanguna sa pagpapahalaga sa pamanang pangwika at pangkultura ng Filipinas kaagapay ng pagtaguyod at pagpapaunlad sa wikang Filipino.
            e. Nakatanggap ng parangal at/o iba pang gawad kaugnay sa kaniyang propesyon (opsiyonal).
            f. Rekomendasyon mula sa immediate superior ng kaniyang paaralan na nagpapatunay ng kagalingan bílang guro sa Filipino na may makabansa at makataong kamalayan.

3. Maaaring magpása ang paaralan ng higit sa isang nominasyon. Ang bawat nominasyon ay kailangang mailakip sa isang long brown envelope na maglalaman ng sumusunod:

            a. pormularyo para sa nominasyon;
            b. rekomendasyon ng immediate superior ng paaralan; at
            c. folio ng mga katibayan ng pagkilala, gawad, publikasyon, at mga naisagawang seminar, palihan, at mga proyektong may kaugnayan sa wika at kultura.
4. Maaaring ipadala sa tanggapan ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa inyong probinsiya/rehiyon ang mga nominasyon. Ang hulíng araw ng pagpapadala ay sa 3 Hulyo 2015, 5 nh. Hindi na mauurong ang araw ng pagsusumite. Ang mga lahok na ipinadala sa pamamagitan ng koreo ay kailangang matanggap ng mga SWK nang hindi lalampas sa petsang nabanggit.
5. Makatatanggap ng medalya at katibayan ng pagkilala ang mga mapipiling Ulirang Guro sa Filipino.
6. Ang pasiya ng inampalan ay pinal at hindi na mababago. Lahat ng lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik ng KWF.
Para sa karagdagang detalye, tumawag sa Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN) sa 736-2519 o mag-email sa komfil.gov@gmail.com.



http://kwf.gov.ph/ulirang-guro-sa-filipino-2015/

No comments:

Post a Comment