Thursday, February 23, 2017

Bantayog-Wika: Isang materyal na sagisag para isang di-materyal na pamanang pangkultura

Bantayog-Wika: Isang materyal na sagisag para isang di-materyal na pamanang pangkultura

Inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ni Senador Loren Legarda ang Bantayog-Wika, isang proyektong naglalayong isamonumento ang mga katutubong wika ng Filipinas sa pamamagitan ng mga pisikal na estrukturang sasagisag sa halaga ng mga wikang katutubo bílang baul ng yaman ng katutubong kaalaman, halagahan, gawi, tradisyon, at kasaysayan ng mga Filipino. Isa itong natatanging gawain upang isakongreto ang isang di-materyal na pamanang pangkultura (intangible cultural heritage).

Mula ang salitang bantayog sa pinagsámang bantay at matayog, na nangangahulugan sa mataas na estrukturang itinayô bilang parangal sa isang makabuluhang tao o pangyayari. Mayroong higit 100 wika ang iba’t ibang pangkating etnolingguwistiko bukod sa wikang pambansa, ang Filipino, at may walong pangunahing wika (Bikol, Ilokano, Hiligaynon, Kapampangan, Pangasinan, Sebwano, Mëranaw, at Warray). Nilalayon ng Bantayog-Wika na makalikha sa hinaharap ng mga monumento para sa lahat ng mga katutubong wika ng Filipinas. Bawat bantayog ay katatagpuan ng mga katutubong katangian ng sinasagisag na kultura.

Para sa kabuoang disenyo ng Bantayog-Wika, magbubukás ng isang timpalak para sa lahat ng mga Filipino, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak. Kinakailangang orihinal ang lahok, at maglalaman ng mga katangiang katutubo. Mayroong nakalaang PHP80,000.00 para sa magwawaging entry.

Isa ang Bantayog-Wika sa maraming proyektong inilinya ng KWF sa 2017  bilang bahagi ng pagtupad nito sa kaniyang mandato tungo sa pagpapaunlad, pagtataguyod, at preserbasyon ng mga wika ng Filipinas.

Para sa mga detalye, kontakin si John Torralba ng Sangay ng Edukasyon at Network sa 736-2519, o magpadala ng email sa komisyonsawikangfilipino@gmail.com

No comments:

Post a Comment