BANTAYOG-WIKA
Timpalak sa Disenyo
Deskripsiyon
Ang
Bantayog-Wika ay isang pagdadambana sa isang di-materyal na pamanang
pangkultura (intangible cultural heritage) ng bansa dahil sa mahalaga nitong
papel sa pagbuo at pagpapatibay ng pambansang identidad. Hindi lamang ito sumasalamin sa yaman ng mga
wika kundi kakikitahan din ng mga kaalamang pangkultura ng pamayanang
kinapapalooban nila. Sa ganitong paraan,
lalalim ang tangkilik at pagpapahalaga ng mga Filipino sa yamang nakapaloob sa
kanilang mga katutubong wika.
Mula ang
salitang bantayog sa pinagsámang bantay
at matayog, na nangangahulugan sa
mataas na estrukturang itinayô bilang parangal sa isang makabuluhang tao o
pangyayari. Mayroong higit 100 wika ang iba’t ibang pangkating
etnolingguwistiko bukod sa wikang pambansa, ang Filipino, at may walong
pangunahing wika (Bikol, Ilokano, Hiligaynon, Kapampangan, Pangasinan, Sebwano,
Mëranaw, at Warray). Nilalayon ng Bantayog-Wika na makalikha sa hinaharap ng
mga monumento para sa lahat ng mga katutubong wika ng Filipinas. Bawat bantayog
ay katatagpuan ng mga katutubong katangian ng sinasagisag na kultura.
Mga Tuntunin
1. Kalahok
1.1. Maaaring sumali sa timpalak ang lahat
ng mamamayang Filipino, maliban sa mga empleado ng KWF at kanilang mga kaanak
1.2. Ang bawat kalahok ay maaaring magpasa
ng isang lahok lamang.
1.3. Ang ipinásang lahok ay kinakailangang
malaya mula sa karapatan ng ikatlong partido. Ang KWF ay labas sa anumang uri
ng pananagutan sa kaso ng litigasyon o pagtatalo na maaaring malikha ng
pagsuway sa kontratang ito.
1.4. Ang disenyador ng mapipiling disenyo
ay tatanggap ng halagang PHP80,000.00 na babawasan ng kaukulang buwis.
2. Lokasyon
2.1. Ang magwawaging likha ay itatanghal sa mga tukoy na lugar sa iba’t
ibang bahagi ng bansa, na mayroong pag-aproba ng KWF at ng pamahalaang lokal sa
lugar na pagtatayuan.
3. Kahingian sa Disenyo
3.1. Ang lahok ay dapat orihinal at hindi pa naililimbag, hindi pa
napili o ginawaran ng anumang premyo sa mga timpalak, at hindi reproduksiyon ng
ibang gawa na nailabas na o ginagawa pa lámang.
3.2. Ang disenyo ay may pangkalahatang
motiff na pangwika (gamit ang baybaying
W) na maaaring lapatan ng katutubong disenyo ng kultura ng wika.
3.3. Ang disenyo ay kailangang
isaalang-alang ang sumusunod na kahingian:
3.3.1. May taas na anim na talampakan (6 ft)
o higit pa ang bantayog
3.3.2. May espasyo para sa deskripsiyon ng
wika, panitikan, kasaysayan, o katulad ng lugar, na maaaring hitsurang mesa o
lectern.
3.3.3. Ang materyales na maaaring gamitin sa
bantayog ay kailangang tumatagal nang mahabang panahon gaya ng marmol, bakal, o
katulad.
4. Pagsusumite ng Lahok
4.1.
Ang mga lahok na ipapása ay
kailangang iprisenta sa anyong modelo o nasa prototype scale. Ang modelo o
protype ay dapat gawa sa matibay na materyales na pinili ng manlilikha upang
maitanghal ito sa publiko. Ang súkat ay hindi lalagpas sa 60 sm (23.62 pulgada)
at di kukulangin sa 15 sm. (5.91 pulgada), sa lahat ng dimensiyon nito.
4.2.
Kasama ng modelo ang paliwanag
hinggil sa mga elemento, teknikal na aspekto, at iba pa upang mas maintindihan
ang kabuuang kahulugan ng gawa.
4.3.
Ang paliwanag ay isusumite sa anyong
PDF na nasa CD/DCD at maaaring lakipan ng mga reproduksiyong online, retrato
(JPG), dibuho (na nasa PDF o A4).
5. Dokumentasyon
5.1.
Maaaring kumuha ng pormularyo ng
paglahok sa kwf.gov.ph. Ang lahat ng mga pisikal na lahok ay kailangang isumite
sa KWF.
5.2.
Kailangang isama sa ipapasang lahok
ang buong pangalan ng manlilikha kasama ang pamagat ng timpalak na Bantayog ng Wika.
5.3.
Ang sumusunod ay dapat ipása:
Kompletong Pormularyo ng Paglahok kalakip ang mga tuntunin ng timpalak, kasama
ang naka-zipfile na kopya ng ID o passport, resumé na nasa A4, limang (5)
retrato na naka-PDF o JPG ng mga naunang nagawang eskultura, at dokumentasyon
na nakasaad sa numero 4.2 hinggil sa mungkahing proyekto, modelo at paliwanag.
5.4.
Kung magkakaroon ng problema sa
pagpapadala ng file, maaari itong ipadala sa: komisyonsawikangfilipino@gmail.com
5.5.
Ang aktuwal na proyekto (modelo ng
eskultura) ay ipadadala sa:
Lupon sa Bantayog ng Wika
Komisyon sa
Wikang Filipino
Gusaling
Watson, 1610 Kalye J. P. Laurel
Malacañang
Complex, San Miguel,
Lungsod
Maynila
5.6.
Sasagutin ng bawat kalahok ang gastos
sa paglahok. Hindi responsable ang KWF sa anumang sira o pagkawala na maaaring
maidulot sa pagpapadala nito.
6. Pagtanggap ng Lahok
6.1. Ang huling araw ng pagsusumite ng lahok
ay sa 28 PEBRERO 2017
6.2. Ang mga napiling lahok ay magiging pag-aari ng KWF, at isinesuguro
ang indibidwal na karapatan ng manlilikha at ang kaniyang gawa sa ilalim ng
batas.
6.3. Ang mga di-napiling lahok ay maaaring makuha ng mga manlilikha o
awtorisadong kinatawan sa loob ng tatlumpung (30) araw sa tanggapan ng KWF
matapos ang pag-anunsiyo ng pasiya ng Lupon ng Inampalan
7.
Ang KWF ay may karapatang ipalaganap
ang publikasyon at eksibisyon ng lahat ng mga lahok. Mayroon din itong
karapatan sa reproduksiyon upang tuluyang maipakalat ang timpalak sa
pinakamahusay na paraan.
No comments:
Post a Comment