Tuesday, August 9, 2016

Dilim Ni: Melanie Pahuwayan Llovido

O gabing madilim,
Katahimikan mo'y nakabibingi
Mga tunog lang ng kuliglig
Ang maaari kong madinig.
Tao'y higit na nakakatakot
Kaysa sa multong nananakot.
Kaya't mag-ingat 'pag naglalakad,
Sa kalyeng madilim na iyong dadaanan.
Subukan mong tumingala
Makakakita ka ng ganda
Ang kalangitang likha ng May Kapal
Na gagabay sa iyong dinaraanan.
Ang buwang bilog na bilog
Sa ating planeta'y umiinog
Nagpapakita sa oras ng kadiliman
Upang bigyan ng liwanag ang kapaligiran.
Kasama nito ang mga bituin
Sa kalangita'y nagniningning
Ito'y parang diyamanteng kumikinang
Hangad ng bawat tao sa kalupaan.
Huwag mong katakutan ang dilim
Ang ibang tao'y ito ang nais
Pagka't dilim din ay may liwanag,
Nagbibigay ng pag-asa sa kahit sinuman.

No comments:

Post a Comment